Sa pamamagitan ng konsensiya nakagagawa ang tao ng mga pagpapasiya at nasusunod ang batas-moral sa kaniyang buhay. Dahil dito, ang konsensya ang pinakamalapit na pamantayan ng moralidad. Sinusuri nito ang kilos kung ito ay tama o mali. Ang konsensiya ay likas sa tao upang maghusga sa mabuti o masama na maaaring gawin. Taliwas sa komersiyal ng sabon o sa katauhan na nasa kanan at kaliwang bahagi ng tao, ang paghuhusga ng konsensiya ay hindi nagmumula sa labas ng tao. Ang tao mismo ang naghuhusga ng mabuti o masama na kaniyang gagawin gamit ang kaniyang konsensya. May pagkakataon na inaakala ng tao na ang maliit na bagay ay hindi nagkakaroon ng malaking epekto sa kanyang pagkatao. Ito ang nagaganap sa kaniyang konsensiya nang hindi niya namamalayan. Karaniwang sinasabi ang mga katagang: maliit na bagay lang naman, ngayon lang o minsan lang upang pangatwiranan ang maling ginawa. Kung patuloy na babalewalain ng tao ang kaniyang konsensya, darating ang pagkakataon na ito ay magiging manhid sa pagkilala ng tama. Epekto nito, ang tao ay maaaring maging katulad ng hayop sa kanyang pagpasya at pagkilos.